reprinted from: www.tigilpaslang2.blogspot.com
Noong i-text sa akin ng isang guro ang tungkol sa mga nawawalang estudyante sa Bulacan, hindi ko malaman ang aking daramahin: araw-araw sandamukal na balita ang aking nababasa at napapakinggan, at itong mistulang desaparecidos sa ating panahon – luma na marahil sapagka’t mula’t mula pa sa rehimen ni Marcos ito’y ulit-ilit nang pinangangambahan – ay waring hindi na ito tumimo sa aking isipan. Sino sila? Bakit nga raw dinukot? Alam ko na rin naman ang sagot sa istoryang ito: tiyak na mga tao ng estado ang nagpasimuno, mga sintomas wika nga ng mga dapat ilihim at isiwalat sa publikong lipunan na gumagalaw sa kumpas ng iilan: iyong mga nakakotse’t sekretarya, kasunod ang mga hagad na escort at agresibong kumakaway, tabi! tabi! may lakad kami!
At sa telebisyon mo nga maririnig ang pakiusap ng isang ina: sana ay makita na ang aking anak, birthday nya sa makalawa, ang presidente ay isa ring ina, sana ay magawan ng paraan ito, sana...Ang tv screen ay babalik sa broadcaster, sa ibang dako naman...Luma na ang mga eksena: sa Arhentina ang mga naulila ay magpu-prusisyon upang ipaalala sa unti-unting lumilimot ang mga malagim na pangyayari, alalaumbaga’y pilit na binubuhay ang mga pangalan at mukha sa mga taong nakatulala, nakatingin, at humihinga ng malalim upang kagyat muling bumalik sa kanilang ginagawa: huntahan ng Eat Bulaga, mga tanong sa Deal or No Deal ni Kris Aquino o magkamot ng alipunga na nababad na naman sa baha.
Ang ingay ng ulan ay bubuhusan pa ng mga ingay ng mga radyo at tawanan sapagkat iyon ang napapala ng mga pakialamero yang mga erehe sa gobyerno o yung sobrang mag-isip kaya nakukursunadahan ng mga heneral na nagtatrabaho lamang upang panatilihin ang kapayapaan sa loob ng tahanan sa palengke sa kalsada sa ilang na pook sa buong kabayanan.
Ano ang kanilang kasalanan? Ilang talaan ba na ng nadisgrasya ang kaniyang natunghayan buhat nang siya’y magbinata sa Maynila at ngayo’y namumuti na ang buhok sa kaiisip ng pera sa pamantasan, ganito pa rin hanggang ngayon? Ilan na ba sa mga kakilala – malayo o malapit - ay di na nya nabalitaan pa at kung mabalitaan man ay may sukob ng lagim ang mga kwentong maririnig.
Ilan daang taon na bang nangyayari ito: ang bumalikwas na naliligo sa malamig na pawis kung may kakatok sa pinto sa oras na wala namang inaasahang darating o makakasalubong ang isang tao nananinipat ng tingin at ika’y kagyat na iiwas sa pagsulyap sapagkat baka isang peligrosong engkwentro ito.
Malaki na ang mga bata. Silang nalahian na rin ng takot ng matatanda ay bagkus ngayong tumatahak sa daang kanyang iniiwasan. Marahil sa kanilang panahon ito ngayon ang nararapat gawin. Marahil anuman ang mangyayari, inisip nilang baka pagsisihan sa dakong huli ang di pagsunod sa kutob at lohika ng nararapat sa mundo.
Ganun nga siguro. Ang kinabukasan ay nililigiran ng mga bangkay ng mga berdugo ng kapitalismo at mangingibig ng hustisya at karapatan.
=========
Edel Garcellano teaches at the University of the Philippines-Diliman
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Two Years
March 2010 Baang Coffee, Tomas Morato Two years ago, my goal was just to finish the selection process. I had no fantasy of bagging the posit...
-
o5 April 2009 Tomas Morato Quezon City Temporarily, I’ve stopped writing. The decision is piercing - I have been craving to weave words for ...
-
05 April 2009 Tomas Morato Quezon City Dear A lways S miling, You greeted us with a smile that was full of hope and verve about a year ago. ...
-
By Conrado de Quiros Inquirer Last updated 01:38am (Mla time) 08/08/2007 It was raining hard toward noon last Monday and they were only a ha...
No comments:
Post a Comment